Pagbabawal Sa Mga Provincial Buses Sa Edsa
Isang Malupit at Walang-awang Solusyon.
(Isa sa ating Filipino Automologist na si Harold na isang traffic solution advocate at government policy consultant ay naniniwalang ang pagbabawal sa mga provincial buses sa EDSA ay isang malupit at walang-awang solusyon.)
Kung sino man ang nakaisip ng ideyang ipagbawal sa EDSA ang pagbyahe ng mga provincial buses upang maging solusyon sa lumalalang traffic sa Pilipinas ay isang mababaw ang pag-iisip, hindi isinasaalang-alang ang mga katotohanang kakabit nito at higit sa lahat, walang-awa sa mga ordinaryong Pilipino.
Alam ng mga nasa gobyerno ang sitwasyong ng traffic sa Pilipinas ay nagkakahalaga na ng halos P3.5 Bilyon sa isang araw ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) 2017 na maaring lumobo pa sa P5.4 Bilyon kada isang araw sa taong 2035. Isa itong malaking “productivity black-eye”. Ang problemang ito ay nagkakahalaga ng halos P1.27 Trilyon sa isang taon at maaring lumobo pa sa P1.971 Trilyon sa taong 2035 kung hindi magkakaroon ng mabilis at maayos na tugon. Ang halagang ito at humigit kumulang 50% ng Philippine National Budget! Napakalaking problema nito!
Ang lumalalang traffic sa EDSA ay isa sa mga numero unong kontributor sa problemang ito dahil sa 380,000-500,000 na mga sasakyang araw-araw na dumaraan dito. Labis kong sinasang-ayunan ang posibilidad na kapag naresolba ang traffic sa EDSA, maaring matugunan na rin ang halos kalahati pa ng problema sa traffic sa iba pang lungsod. Lahat ng traffic solution advocates ay nagkakaisang dapat maibaba man lamang sa 50% ang dumadaan sa EDSA. Kasalukuyang ipinagbabawal na ng MMDA ang 3,400 na provincial buses na dumadaan sa EDSA sa pag-asang makatulong malulunasan nito ang malaking problema ng bayan sa trapiko- isang malaking kahangalan,kabalastugan at malaking pagkakamali ang patakarang ito!!
UNA SA LAHAT, ang mga provincial buses ay wala pang 1% porsyento ng lahat ng mga sasakyan sa EDSA at hindi rin naman dinaraan ng mga ito ang buong kahabaan ng EDSA bagkus yoon lamang mga bus na byaheng Norte, Balintawak-Cubao samantalang South in-bound naman ang dinaraanan lang ay Tramo- Magallanes-Cubao. Maliwanag na maliwanag na hindi ito ang dahilan ng malalang lagay ng trapiko sa EDSA bagkus makadaragdag lamang sa problema ng mahihirap nating mga kababayan na kinakailangan pang pumunta ng Valenzuela at Sta. Rosa upang makasakay lamang pa Maynila.
IKALAWA, mahigit 90% ng mga sasakyan sa EDSA ay mga pribadong sasakyan kung saan ito ang nararapat gawan ng patakaran. Humigit kumulang 30% sa mga sasakyang ito ay dumaaran lamang talaga galing sa Norte papuntang Timog at vice-versa. Alam nating kapag natapos na ang konstruksyon ng Skyway North-South connector ramp (na naantala nung Aquino administration) at pag madadaanan at mas mapapakinabangan na ang mga alternatibong ruta na pinagpugaran na ng mga illegally parked vehicles at kapag natapos na rin ang ang East (Laguna Bay) at West (Manila Bay) circumferential roads, matutugunan na rin ang 30% ng bigat ng trapiko sa EDSA.
Tinatawag ko ang pansin ni Pangulong Duterte na utusan si Transport Secretary Art Tugade na bilisan ang pagpapagawa sa mga proyektong imprastraktura- bilisan sa mga paraang kung maari ay pagtrabahuhan ito 24 oras at triplehin ang mga kagamitan pati na rin ang mga trabahador upang makita na agad ang resulta sa loob ng ilang buwan. Nakita ko nang nagawa ito sa Middle East kaya bakit hindi natin makakaya rito satin? Maari rin bilisan ang proseso ng pagbabayad ng gobyerno, Mr. DOTr Secretary, Sir.
IKATLO, hikayatin ang mga may-ari ng pribadong mga sasakyan na sumakay na lamang sa mga point-to point buses sa EDSA, MRT (kinakailangan lamang lakihan at dalasan ang daan ng mga coaches nito kada 5 minuto) at subukang magcar pooling na lamang kaysa magmaneho sa EDSA. Maari naming iwan ang kanilang sasakyan sa mga nararapat na parking areas malapit sa MRT at Bus Terminals.
IKAAPAT, ipatupad ang odd-even (hindi ang kasalukuyang number coding) scheme sa EDSA para sa mga pribadong sasakyan lamang. Ang mga plakang nagtatapos sa 1,3,5,7,9 ay hindi na maaring bumyahe sa EDSA kapag Lunes, Miyerkules at Biyernes at lahat ng nagtatapos sa 2,4,6,8,0 ay ipagbabawal na kapag Martes, Huwebes at Sabado. Paniguradong mababawasan nito ng 30-40% ang mga dumadaang pribadong sasakyan, isama pa ang pagtangkilik na lamang sa mga local buses, MRT at car pooling.
IKALIMA, bilisan ang pagtatayo ng integrated mass transit system at ang implementasyon ng mga bagong Subway System. Isa ako sa mga masugid na tagahanga ng mga subways. Mas mabilis dapat at konstruksyon nita dahil ang gawa nito ay nasa lalim na 50-200 feet below sea level kaya walang “right of way”.
Kasabihan nga mula sa Policy Science: “policy influences behaviour” at dahil nga umaapaw sa political will ang gobyerno natin ngayon, dapat lamang sigurong gamitin ito sa paglutas sa malalang lagay-trapiko ng bansa sa pamamagitan ng mabilisang pag tapos ng mga imprastraktura pang trapiko at pagpapatupad ng pinagisipang-mabuting mga patakaran para sa magaang trapiko sa bansa.