Bagong Mga Tren Ng PNR Para Sa Krisis Sa Transportasyon Ng Pinas Pero Bakit Dalawang Bagon Lang?
Ang aming 20 anyos na Automologist na si Kathleen ay nagpanukala na dagdagan pa ng 10 PNR Tren.
SA WAKAS! Dumating na rito sa ating bansa ang dalawang Diesel Electric Multiple Units (DMU) na mga tren ng Philippine National Railway (PNR) na nagkakahalaga ng Php 485,312,600.00 sa ilalim ng proyekto ng kasalukuyang administrasyong Duterte.
Pagkalipas ng ilang taon matapos ang unang pagbili ng orihinal na tren ng Philippine National Railway (PNR) at pagdidikit ng iba’t ibang pyesa mula sa iba ibang bansa upang makabuo lamang ng isang tren na maaring gamitin para sa pampublikong serbisyo sa transportasyon ng bansa, dumating na rin ang dalawang bagong yunit nito. Ang nasabing proyekto ay dumaan sa public bidding sa ilalim ng Republic Act No. 9184 at mga Revised Implementing Rules and Regulations nito at naisakatuparan sa pagpirma ng kontrata kasama si ang kalihim ng Department of Transportation at PNR Co-Chairman Arthur P. Tugade pati na rin ang PNR Management. Ngayon, ang tanong ay sapat ba ang mga ito sa lumalalang problema ng bayan sa sistema ng pampublikong transportasyon? Bakit dalawang bagon lang, hindi ginawang sampo?
Sa aking personal na karanasan bilang isang komyuter mula elementarya hanggang ngayong nagtatrabaho na ako, kinakailangan mo talaga ng mahigpit na time management. Kailangang gumising ka ng maaga upang maabutan at makaupo pa sa bus, jeep at tren at kung mamalasin ay uuwi ka namang pagod kakahintay ng masasakyan na madalas ay tayuan pa sa loob. Sumatotal, ang bente quarto oras mo sa isang araw na dapat ay nakalaan sa trabaho, tulog at oras para sa pamilya at mga kaibigan ay madalas nagiging 15-17 hours na lamang dahil kinakain na ng byahe ang halos kalahati nito. Dito na papasok ang pag-iisip at pangarap mong bumili ng sariling sasakyan upang makaiwas lamang sa hirap na dala ng araw-araw na pagkokomyut. Ngunit dala ng edad at mga karanasan, unti-unti ko nang nakikita ang tunay na problema- ang hindi pagkakatugma ng bilang ng mga pasahero sa bilang ng mga sasakyang pampubliko.
Masyado nang maraming aberya pagdating sa mass transportation ng bansa gaya na lamang ng paulit-ulit na pagkasira ng MRT at LRT sa kalagitnaan mismo ng mga byahe, kakulangan ng mga bagon at bumibyaheng tren ng PNR para sa libo-libong sumasakay rito araw-araw at tumataas na bilang ng mga pribadong sasakyan na syang kumukuha ng espasyo sa daan na dapat sana ay para sa mga bus at jeep.
Maraming dahilan pa ang kakabit ng ilang mga nabanggit ko sa itaas ngunit hindi nito matutugunan ang problemang nasa harapan na natin bagkus ay kailangan natin ng konkretong solusyon. Sa pagkakaroon nga natin ng mga bagong tren, nawa ay maging maayos at sapat ang mga ito para mabawasan ang sakit na naidudulot ng hirap sa byahe ng ating mga kababayan.
Sabi nga nila, ang tunay na maunlad na bansa ay kung saan ang mga mayayaman ay nakasakay sa pampublikong sasakyan. Secretary Tugade, dagdagan nyo pa ng 10 tren para kada 15 minuto ay may PNR Tren kaming masakyan!